mfanimated 2

Article Index

MS LYDIA S. VILA
Holy Trinity College Puerto Princesa City
Palawan

Enero 23, 2000, kaming mga delegado ng Bikaryato Apostoliko ng Palawan ay sumakay sa WG&A papuntang Maynila upang dumalo sa Marian Festival on the Holy Trinity sa PICC. Masayang-nasaya at enjoy na enjoy ang aking mga kasama habang kami ay nasa barko, samantalang ako naman ay nahihilo at suka nang suka. Hindi ako nakakain hanggang sa dumating kami sa pier.

Nang dumating kami sa Maynila naging mabuti-buti na rin ang aking pakiramdam. Nakapagpahinga kami ng dalawang araw bago nagsimula ang seminar. Madaling araw ng ika- 27 ng Enero, ay nagisnan ko na lang na masakit na masakit ang tiyan ko. Nahiya akong gisingin ang mga kasama ko dahil maagang-maaga pa. Nagdasal na lang ako kay Mother Francisca na pagalingin ako dahil gusto kong makadalo ng seminar namin kinabukasan. Nang may ika-apat na ng umaga, hindi ko na matiis ang tindi ng sakit na aking nadarama, kaya lumipat ako sa kabilang bahay lahat na paraan ay ginawa nila para malunasan ang sakit. Nang medyo nagbawas-bawas ang sakit sumama ako sa PICC dahil medyo okey na rin ang pakiramdam ko. Habang lulan kami ng taxi ay naramdaman ko muli na masakit ang tiyan ko. Dumating kami sa PICC, at habang nagpapatala ang aking mga kasama ako naman ay nasa isang tabi at namimilipit sa sakit. Halos mawalan ako ng malay sa tindi ng sakit. Hiniling ko sa aking kapwa guro na dalhin ako sa malapit na ospital. Isinugod nila ako sa Manila Doctor’s Hospital.

Ayon sa pagsusuri ng doctor ulcer ang sakit ko at pinaimom ako ng Maalox liquid at pinahiga sa loob ng tatlongpong minuto kaya nabawasan na naman ang sakit. Bumalik kami sa PICC kahit hindi pa lubusang naalis ang sakit. Sinunod ko ang pag-inom ng gamot apat na beses sa loob ng isang araw ayon sa resita ng doctor, kaya medyo bumuti-buti na rin ang pakiramdam ko. Natapos ko rin ang tatlong araw naming seminar sa awa ng Diyos. Kinabukasan ay nakatakda na kaming bumalik sa Palawan. Habang nasa eroplano kami kunwari natutulog ako pero hindi nila nahalata ang nararamdaman ko. Mag ika-11:00 ng tanghali ng lumapag kami sa Palawan at hinatid ako ni Ate Lina sa bahay. Magmula alas onse at kalahati ng umaga hanggang ika-apat ng hapon tiniis ko ang matinding sakit ng aking tiyan, kasabay ng pagsusuka. Halos ika-lima na ng hapon ng hindi ko na matiis ang sakit, dinala ako sa doktor. Subalit tinanggihan ako at inirekomenda ako na dalhin sa ospital, dahil hindi niya ako kaya. Pinasok ako sa Palawan Adventist Hospital mga alas sais ng gabi at maraming pagsusuri ang ginawa ng doktor. Na x-ray ako, ultra sound, at ECG para malaman kung ano talaga ang sakit ko. Mag-iika sampu ng gabi na ng malaman na kailangan akong operahan dahil puputok na ang appendicitis ko. Ipinasok ako sa “operating room” sa ganap na ika-sampu at kalahati ng gabi. Sa ganong kalagayan hindi ko pa rin makalimutan na humingi ng tulong kay Mother Francisca at panay ang dasal ko sa kanya na huwag niya akong pabayaan. Nang nabuksan na ang aking tiyan, tatlo ang nakita, una pumutok na ang aking mayoma, may bukol ang kaliwang oveary at puputok na ang aking appendicitis. Natapos ang operasyon ng ganap na alas dose ng hating gabi.

Naging matagumpay din sa awa ng Diyos at sa tulong ni Mother Francisca ang una kong pagpapaopera. Tatlong araw ang nakalipas matapos ang matagumpay na pag-oopera, ay sumakit na namang muli ang aking tiyan. Nabahala ang aking mga kapatid at doktor dahil katatapos ko lang maoperahan. May lumalabas sa NGT na galing sa tiyan ko na kulay green. Ini X-ray na naman ako ng maraming beses pero hindi makita kong ano and dahilan. Nagdesisyon ang doktor na operahan ako muli. Sa kalagayan kong ito hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa. Linakasan ko naman ang aking loob at muli akong humingi ng tulong kay kay Mother Francisca. Alam ko na talagang naroon siya sa mga oras na iyon. Ang pangalawang pagsubok sa aking buhay noong Pebrero 5, 2000 ay lalong nagpatibay sa aking pananalig sa kanya. Infected na ang tiyan ko ng sampung araw sabi ng doktor ng pangalawang operasyon ko.

Ginawa ng doktor ang lahat ng kanyang makakaya para mailigtas lamang ang buhay ko at mapagaling. Sino ang mag-aakala na sa kalagayan kong iyon ay malampasan ko ang pangalawang pagsubok sa aking buay. Sa oras na yaon ay alalang-alala ang lahat lalo na aking mga kapatid at mga pamangkin. Marami ang nag-aalay ng dasal para sa aking kaligtasan/ Kaya ang lahat na aking hiniling kay Mother Francisca ay natupad. Ipinangangako ko sa aking sarili na ang nalalabi kong buhay ay iaalay ko unang-una kay Mother Francisca sa aking mga kapwa dahil naniniwala ako na kung hindi sa tulong niya at kung hindi sa taos puso kong pagdadasal at paghingi ng tulong sa Panginoon sa pamamagitan niya ay hindi ako gumaling, kahit gaano man kagaling ang doktor na nag-opera sa akin. Ngayon ay magaling na ako at nakabalik sa aking pagtuturo. Parang isang masamang panaginip lang ang nangyari sa akin.

Maraming, maraming salamat sa bagong buhay na ipinagkaloob mo muli sa akin Panginoon sa pamamagitan ni Mother Frnacisca del Espiritu Santo.

content